Bitter

Sunday, November 1, 2009

Bitter ako ngayon. Bitter ang Halloween ko.

Sa kabilang ng hindi mabilang na kabadingan last Saturday sa Orosa, naging bitter ang gabi ko. Hindi kinayang bingihin ng malakas na hiyawan at tugtog ang kumakabog kong puso. Biglang pumait pati ang beer na tangan ko. Sayang! biglang nasira ang mood ko sa pag-inom at pagpapakasaya. Nagkasya na lang ako sa paghithit ng 3 stick ng yosi kahit 2 buwan na akong tumigil sa paninigarilyo.

Bakit naman kasi sa lahat ng lugar na pwedeng puntahan ay doon pa? At bakit naman sa lahat ng oras na pwede kang pumunta ay nagkapareho pa tayo. Bigla na namang nag-krus ang landas natin. Sa lahat ng tao inaasahang kong makita ay hindi ka sumagi sa hinagap ko kahit minsan.

Matagal kang nawala, noong pinili mong mag-ibang direksiyon - pinili mo ang tumalikod. Hinayaan ka namin dahil pakiramdam namin ay babalik ka - kailangan mo lang ng oras. Magkaibigan naman tayo hindi ba? Magkaibigan tayo hanggang may namagitan sa atin. Pinaliwanag ko naman sa'yo yun dati at hindi kita hiningian ng sagot. Hindi kita pinilit at lalong hindi kita in-obliga. Sinabi ko sa'yo dahil nangako tayo na wala tayong itatago sa isa't isa. Pasensiya na rin kung ginulat kita kasalanan ko naman masyado akong naging kumpiyansa.

Matagal nang pinatay ng distansiya kahit ang pagkakaibigan natin.

Pero, matagal na yun di ba? Halos sampung taon na rin.

Kagabi sa gitna ng nagsiksikang tao, sa kabila ng magagandang costume sa party at sa di magkamaliw na tunog at iba't ibang ingay. Sa kabila ng napakasayang mood ng mga tao, pinagtagpo tayong muli. Halos mabangga mo nga ako di ba? Hindi kita nakilala noong una. Nakaiwas ako ng muntikan mo akong mabangga at paglingon ko sa direksyon mo, matagal din akong natigilan. Alam kong nakakita ako ng taong pamilyar sa akin. Matagal-tagal ko rin bago ko nasabi sa sarili ko na ikaw yun. Kung hindi sa maliit na pilat mo sa taas ng kanang mong kilay - hindi kita tuluyang makikilala.

Bakit naman ako makakalimot? Nakatago sa sulok ng isip ko ang larawan mo. Ganoon siguro ang isip ng tao, kapag nasa long term memory mo hindi maaring basta malimot. Kahit na sabihin pa natin na binago ng panahon ang anyo mo.

Nagkatinginan tayo, mga 3-5 segundo. Parang pelikula, tumigil ang ingay bumagal ang tugtog at huminto ang takbo ng oras. Hinihintay kong makilala mo ako, hindi ka nagpakita ng senyales na kilala mo rin ako. Tumalikod ka at dali-daling tumungo sa mga kasama mo para makipagsayaw. Baka naman nagkamali ako. Naging bato ako sa kinakatayuan ko. Tinatanaw ka sa malayo. Gusto kong malaman kung ikaw nga talaga yun. Mataga-tagal ko ring pinanoodang kilos mo at sa wakas sigurado na ako na ikaw yun. Narinig ko ang halakhak mong matagal kong hindi naririnig sa hindi kalayuan. Yung tawa mong madalas kong naririnig noon kapag pinapatawa kita. Yung tawa nating parang baliw kapag masaya tayo noong magkasama pa tayo. YUng tawa nating parang walang bukas.

Masaya-masayang masaya ka nang gabing yun - habang ako naman ay parang unti-unti hindi makahinga sa tensiyon.

Inabangan kitang tumingin sa direksiyon ko at di nagtagal ay nahuli rin kita, tumingin ka rin sa akin muli. Sa pagkakataong ito biglang naging iwas ka na. Nakilala mo na rin ako, dama ko. Nawala ang komportable mong kilos. Humina ang hiyaw mo, nawala ang halakhak mo, limitado na rin ang indak mo at tumalikod ka sa direksiyon ko.

Alam kong ikaw na yun, sa wakas alam kong tama ako. Tama ka rin dahil ako ang nakita mo.

Biglang inagaw ng mga nahihiyawang tao ang atensiyon ko, dumating si Darna, Black Darna at Valentina. Gumawa sila ng eksena sa gitna, nanakaw nila ang mga mata kong ipinako ko sa direksyon mo. Nang matapos ang palabas nilingon kita muli. Wala na kayo ng mga kaibigan mo. Hinanap kita muli iginala ko ang mata ko - hindi na kita muling nakita.

Iniwanan mo akong bitter muli. Parang umuulit lang ang mga nangyari 10 taon ang nakalipas.

Bitter ako, hindi ka man lang nag-"hi" sa akin. Bitter ako dahil hindi rin akong naglakas loob na bumati sa'yo. Bitter ako dahil matapos ang ilang taon ganito pa rin tayo.

Pinili nating talikuran ang isa't isa noon dahil yun ang alam kong tama para sa atin. Pero kailanman hindi ko tatalikuran ang sinabi ko sa'yo na isa ka sa pinaka-malapit sa puso ko. More than anything else naging parang kapatid na ang turing ko sa'yo. Na isa ka sa gusto nasa tabi ko kung pwede habang buhay - kahit kaibigan lang.

Oo! bitter talaga ako ngayon.


AddThis Social Bookmark Button


6 Chikading chikading may chumichikang bading...: to “ Bitter

Related Posts with Thumbnails
 

Design by Amanda @ Blogger Buster